Naging maugong sa bayan ni Juan ang Starlink noong nakaraang taon nang inanunsyo ni Elon Musk, founder ng Space Exploration Technologies Corp (SpaceX), na isa ang Pilipinas sa mga bansang makikinabang ng internet service na ito.
Hindi lingid sa nakararami kung gaanong kabagal ang koneksyon ng internet at ang pakiramdam na hindi sulit ang ibinabayad sa serbisyong ibinibigay ng mga telecommunication companies sa bansa.
Ayon sa Speedtest Global Index, ang Pilipinas ay nasa ika-89 na puwesto sa mobile data kung saan mayroong itong average na 25.88 Mbps. Pinangungunahan ng United Arab Emirates-205.77Mbps kasunod ang Qatar-186.35 Mbps. Nasa ika-49 na puwesto naman ang Piipinas na may 91.56 Mbps na pinangungunahan naman ng Singapore-247.44 Mbps at kasunod ang Hongkong-242.99 Mbps pagdating sa broadband.
Ano ba ang Starlink?
Naging daan ang breakthrough ng SpaceX noong 2015, ng magawa nilang pabalikin ang mga rockets na ipinadala sa kalawakan ng hindi ito nasisira at magamit muli sa mga susunod, upang gumawa ng mga low-cost at mas maliliit na satellites na ipinadala sa kalawakan na nagsimula sa taong 2019.
Ang Startlink ay ang pinakauna at pinakamalaking satellite constellation na umiikot sa paligid ng mundo na may kakayahang makapagbigay ng internet koneksyon na kayang sumuporta sa mga streaming services, online gaming, video calls at iba pa. Ayon sa Starlink, ito ay makapagbibigay ng mabilis na internet koneksyon na aabot mula 50 Mbps hanggang 200 Mbps.
Sa kasalukuyan tinatayang mayroogg mahigit 4500 na Starlink satellites ang umiikot sa kalawakan dahilan para makapagbigay ito ng serbisyo saan mang sulok ng mundo at patuloy na ina-upgrade para sa mas mabisang serbisyo.
Paano ito gumagana?
Hindi ito kagaya ng tradisyonal na paggamit ng mga fiber optics na cable at mga transmitter towers upang magkaroon ng internet koneksyon, dahilan kung bakit may mga lugar na hindi maabot ng Telcom companies gaya ng mga mabulubunduking lugar. Ang mga gagamit nito ay kinakailangang magkaroon ng Starlink Kit sa halagang P19,999 (355 USD). Ang kit na ito ay magsisilbing antenna na kusang humaharap at ko-konekta sa mga satellites na umiikot sa buong mundo. Tingnan ang website na ito para sa mas mamalim paliwanag na ispesipikasyon ng produkto sa https://www.starlink.com/technology.
Ibahin natin ang usapan Juan…
Ayon sa isang database research na base sa Hawaii, tinatayang mayroong mahigit 8000 na aktibong satellites ang umiikot sa buong mundo at 4500 o mahigit 50% sa mga ito ay Starlink satellites. Hindi lang sa Amerika kundi mayroong higit 1.5 milyon ang gumagamit nito mula sa higit 50 bansa.
Ang teknolohiyang ito ay pagmamay-ari ng Starlink o sabihin nating nasa kamay ng nagmamayari nito na maihahalintulad sa isang heneral na may kontrol sa kalawakan dahil sa lawak ng kanyang impluwensya at kanyang magiging impluwensya sa hinaharap.
Saan na nga ba nagamit ang teknolohiyang ito?
Giyera sa Ukraine. Ayon sa isang panayam sa The Daily, isa sa aking mga paboritong podcast na pinakikinggan, ito ay nasubukan sa pasimula pa lamang ng giyera nang atakihin ni Russia ang mga military satellites ng Ukraine sa pamamagitan ng cyber-attack. Kinailangang makahanap ng Ukraine ng alternatibo upang gamitin sa komunikasyon kaya naman sinubukan nilang kontakin si Musk sa pamamagitan ng tweet (sinasabing isa sa mga pinakamabisang paraan upang siya ay makontak).
Dahil sa naging viral na tweet, nakuha nila ang atensyon ni Musk at agarang napa-aktibo ang Starlink na nagsilbing dugo at pawis ng komunikasyon sa bansa. Nakatulong ito sa mga pag-istratehiya, pagkalap ng mga intelehiya at kinalaunan ay nagamit sa mga drone strikes. Minahal ng mga sundalo at inidulo si Musk dahil sa tulong na naibigay nito sa kanila sa panahon kung saan ay akala nilay ay wala ng makakatulong sa kanila.
Sino si Elon Musk?
Isang henyong tagapag-imbento na higit sa mga karaniwang pagiisip. Sa tingin ng marami ay imposible ngunit naging posible at gumagawa ng mga bagay na hindi magawa ng iba.
Isang tao na may hindi mabasang ugali. Palagi na lamang syang laman ng balita dahil sa mga hindi karaniwang mungkahi at aksyon nito sa maraming bagay.
Ano ang mga alalahanin ni Musk sa giyera sa Ukraine?
Una, ay ang isyu sa bayarin. Sino ang magbabayad ng gastos sa teknolohiyang ito? Ito ay hindi mura. Ayon sa kanya, hindi nya na kayang suportahan ang gastusin dito kung saan ay may katotohanan naman dahil siya ay isang businessman.
Pangalawa, ayaw niyang maging instrumento ng giyera. Habang ang Starlink ay naging mahalagang sentro ng tulong para sa mga Ukrainians ito naman ay nagiging potensyal na military target sa panig ng Russia. Iminungkahi niya na hindi na ito gamitin sa opensiba at maging sa depensa dahil sa maaaring threat na matanggap niya na hindi patas bilang isa na ring pribadong mamamayan.
Dahil sa mga mungkahing ito ay nakipagusap ang Pentagon kay Musk sa mga maaaring idulot ng pagtigil ng Starlink sa pagtulong sa Ukraine. Samantala, nagpapatuloy ang serbisyo nito sa kabila ng mga negosasyon.
Anong masasabi ni Juan…
Tunay nga na ang teknolohiyang ito ay magiging malaking tulong sa bayan ni Juan lalo na sa mga lugar na hindi abot ng internet koneksyon. Isang napakagandang alternatibo mula sa mga tradisyonal na internet providers sa bansa. Maaring ito ang magdala ng magandang kumpetisyon sa industriya ng konektibidad na magbubunga sa mas maayos at sulit na serbisyo sa bansa.
Ang maaaring mas mahal na halaga na ibabayad rito ay hindi iindahin ni Juan kung ang kapalit naman nito ay magandang serbisyo na magdudulot ng ginhawa sa bawat isa.
Sa usapin naman patungkol sa magiging papel ng Starlink sa pandaigdigang entablado, ito marahil ay nakakaalarma. Ang kakayahan nito na maging pangunahing sandata sa lakas-militar at marami pang potensyal nito sa hinaharap. Ang giyera sa Ukraine ay maihahalintulad natin sa isang case study sa kung paano nagamit ang teknolohiyang ito. Teknolohiya na masasabi nating malaking tulong o kaya nama’y threat sa magkaibang panig. Game-changing na teknolohiya na dapat sana ay ginawa o ginagawa ng gobyerno.
Nakakaalarma ang katunayan na ang Starlink ay pagmamayari ng isang tao na may hindi mabasang ugali. Isang tao na maraming koneksyon sa mga bansa at lider sa buong mundo. Isang tao na ang pangarap lamang dati ay ang makapaglagay ng greenhouse sa Mars. Sya ba ang tunay na Starman?