Dahil Singapore turned 58 ngayong araw at walang pasok, gumawa si Juan ng listahan ng mga bagay na gusto ko rito. Ito ay base sa personal na opinyon na dala na rin ng aking mga kinahihiligan at mga bagay na may koneksyon sa aking indibidwalidad. Sa madaling sabi ay walang basagan ng trip dahil as per Juan ito!
Simulan na natin ito Juan!
1. May kapehan kahit saan. Mayroong maiinom sa mula sa halagang $0.90 (SGD). Iba’t ibang lokal na inumin mula Teh-O kosong, Teh-C siew dai, Kopi C, Kopi gah dai at marami pang iba. Kahit saang kanto ay maaari kang tumambay ng hindi ka nenerbyosin kung may sisita sa iyo.
2. Oportunidad na makapagtrabaho sa mga nakatatanda at may mga kapansanan na Singaporean.
3. Mababang porsyento ng krimen. Dahil sa takot na maparusahan o magbayad ng danyos kaya ganun nalang din ang takot ng mga maninirahan dito na gumawa ng mga di kanais-nais na bagay. May pangil ang batas kaya sumusunod ang mga tao dito. Ramdam mo ang kaligtasan kahit walang pulis na gumagala.
4. National ID. Lokal naman o hindi ay mayroong ID na magagamit para pagkakakilanlan at rekord para sa mas Madali at mabilis na transaksyon sa maraming bagay.
5. Maraming trabaho. May mga oportunidad para sa mga inhinyero, entertainers, nars, kasambahay at marami pang iba. Maraming trabaho dahil na rin sa patuloy na pagunlad ng bansa at may respeto sa mga manggagawang Pilipino at protektado ang mga manggagawa mula sa anumang uri ng pangaabuso.
6. Racial harmony – hindi “racist”. Maliban sa Singapore, napadpad rin si Juan sa gitnang silangan kung saan mas higit kong naintindihan ang kahulugan ng hindi pagkakapantay-pantay. Ang Singapore ay very diverse sa kultura. Walang puti o itim, dilaw o kayumanggi. Lahat ay pantay-pantay. Saan ka man tumingin ay makakakita ka ng iba’t ibang lahi, na hindi man completely nagkakasundo, ay kumakain sa iisang lugar at hindi umaasta na ang isa ay mas higit kaysa sa iba. O nakakapaglakad sa labas na hindi kinababahala ang kaligtasan sa kung ano mang lahi ang kanyang kinabibilangan.
7. Basurahan. Hindi mo narin kailangang maghintay ng truck para maitapon ang mga basura sa bahay. May mga nakalaang waste bin ang bawat kabahayan.
8. May SIM card registration kaya wala masyadong nanloloko.
9. Pagkain at serbisyong Juan. Hindi mahirap makahanap ng pagkaing Pinoy o mga produkto na galing sa Pilipinas. Partikular sa Lucky Plaza, isang mall sa Orchard, kung saan makakakita ng ano mang bagay na konektado sa mga Filipino.
10. Malaking komunidad ng Filipino.
11. Sheltered walkway. Kapag mainit ay sobrang init at kapag umulan ay sobra din naman sa ulan. Wag mag-alala dahil halos kahit saan ay may masisilungan mula pa lamang sa paglabas ng iyong bahay hanggang sa mga istasyon ng tren hanggang makarating sa trabaho.
12. Walang tae ng aso na maaapakan. Eww.
13. May disiplina sa pagsunod ng batas sa kalsada. Prayoridad ang mga tumatawid sa kalsada, “tumatawid” sa tamang tawiran ang mga tao at sa mga sasakyan naman, walang nag bi-beating the red light dahil siguradong magbabayad ka dahil sa dami ng camera sa kalsada.
14. Mabilis na internet. 5G internet na isa sa pinakamabilis sa buong mundo.
15. Walang brown-out/ power disruption. Aktibo sa paggamit ng mga renewal energy .
16. Isa sa mga nangunguna pagdating sa technological advancement gaya ng robotics at AI.
17. Water agency / Public Utilities Board (PUB). Pwedeng inumin maging ang tubig galing sa mga gripo ng toilet. Maaayos na drainage system at malalaki ang mga daluyan ng tubig kaya walang halos naiiulat na baha sa tuwing malakas ang ulan.
18. Malinis, malinis talaga. Mayroon mga tagalinis sa lahat ng lugar. Sa mga kainan, maliliit man o malalaking establisyimento, parke at mga kasuluk-sulukan ng mga kalye. Kahit mga pasilyo ay may pa-rating sa mga tagalinis. Walang langaw.
19. Mas mataas na sweldo. Ehem.
20. Walang kurapsyon sa gobyerno at may kaukulang parusa sa mga gumagawa nito.
21. Mabilis tumugon sa anumang uri ng reklamo at may kaukulang hotline sa anumang uri ng saklolo.
22. Hawker centre. Lugar kung saan makakakain ng abot kayang pagkain mula $2.50 paatas. Malaking bagay para sa mga hindi marunong magluto. Napakarami ring kainan, mula sa mga world class restaurants, murang Michelin star na pagkain at hanggang sa mga samu’t saring pagkain mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
23. Proteksyon sa kalikasan. Pinapangalagaan ang mga hayop dito. Bawal batuhin ang mga monitor lizard na nasa ilog at hinahayaang mamuhay ang ilang hayop sa kanilang mga natural habitat.
24. Recycling. Hinihikayat ang mga residente na mag recycle. Mayroong kaukulang tapunan sa recyclable na bagay at mayroon ding mga pasilidad para sa mga ito.
25. Limitadong paggamit ng plastik na lalagyan sa mga pamilihan. Simula Agosto 1, 2023, hindi na nagbibigay ng mga libreng bag ang mga naglalakihang pamilihan na isang magandang hakbang sa pagbabawas ng konsumo ng plastik.
26. Maraming halaman at mga puno. Luntian saan ka man tumingin. Sa mga kalsada, gilid ng naglalakihang gusali at mga parke; ito ay pinangangalagaan ng NParks.
27. Recreational, exercising area at mga pasilidad na pang isports. Mayroon mga pampublikong pasilidad kung saan libreng (ang ilan ay may kaukulang bayad gaya ng swimming complex, gym, community courts) magagamit ng bawat isa.
28. Mga museo at arts eksibisyon.
29. National Archive of Singapore. Isa sa aking mga paborito lugar na kung saan kinokolekta at pinangangalagaan nila ang mga lumang pelikula hindi lang sa Singapore kundi sa mga karatig bansa nito. Napanuod ko rin dito ang ilan sa mga pelikulang Pilipino na sumasalamin sa ating kasaysayan.
30. Taunang Lights Festival tuwing Hunyo, Night Festival tuwing Agosto and Singapore International Festival of Arts tuwing Mayo.
31. Mga lokal and internasyonal na pagtatanghal gaya ng mga Opera, Ballet, Musical, Concert, Talks, etc. Isa sa pinaka kinalibangan ko sa panahon ng pandemic.
32. The Projector. Isang sinehan na nagpapalabas ng mga alternatibong palabas sa malalaking screen. Mayroon ding mga internasyonal na palabas (movie festivals) na ginaganap rito.
33. Panlooob at panlabas na venue para sa mga pagtatanghal (Esplanade by the bay, ballet under the stars sa Fort Canning, Stadium). Host ng mga internasyonal kompetisyon, konsyerto at mga events (F1, Asian Games, International movie premiers).
34. Mga pampublikong aklatan.
35. Mga iconic na lugar at nagtataasang gusali na sikat maging sa ibang bansa gaya ng mga gusali tulad ng Marina Bay Sands, ArtScience Museum, Singapore Botanic Gardens, Sentosa, Animal at mga Bird Parks.
36. Maraming Health Clinics kahit saan. Paid leave kapag nagkakasakit.
37. Mga komunidad pampalakasan at isports. Maraming komunidad na maaaring salihan kung saan makakakilala ng mga tao na may kaparehas na libangan tulad ng aming Badminton club.
38. Walang dumudura sa kalsada (maliban kung walang nakatingin).
39. Sidewalks. May mga kaukulang daanan para sa mga naglalakad saan mang lugar. Ligtas at maluluwag na daan maging sa mga pinaka-busy na lugar sa Singapore. Interconnected na park connectors (PCN) at wildlife parks.
40. Pantay na proteksyon sa karapatang pantao (kababaihan, may kapansanan, kabataan, o bahagi ng LGBTQIA+). Pantay na pagtingin sa bawat isang naninirahan dito ikaw man ay lokal o foreign worker, sa mga kababaihan, kabataan at mga kasapi ng LGBTQIA+. Hindi na krimen ang pagiging bakla dahil sa pag-abolisa ng Section 377A penal code.
41. Mabilis at maasahang tugon sa panahon ng kalamidad o emergency – ex. COVID response. Humanga akong mabuti kung paanong hinandle ang covid sa panimula nito. Bagamat lahat ay naapektuhan ng nagdaang pandemya, mabilis na naagapan ng pamahalaan ang pag-spread ng covid, na-minimise ang problema sa kawalan ng trabaho at nakapaggawa ng mga programa para mapabilis ang pag-monitor at ma-solusyonan ang covid.
42. Ingles bilang pangunahing wika.
43. Istriktong sumusunod sa mga government protokol gaya ng mga permit sa konstraksyon. Hindi basta basta nalang magtrabaho ang mga tao/kumpanya dito kailangan ay nasa ayos dahil iniiwasang bigyan ng inconvenience ang publiko at inuuna ang kaligtasan.
44. PWD-friendly at child-friendly. Sila ay prayoridad. Mula sa mga kainan at kalsada hanggang sa mga gusaling pinagtatanghalan at transportasyon, may kaukulang lugar na para sa kanila na pwede nilang gamitin.
45. May nakalaang lugar para sa mga naninigarilyo.
46. Malls kahit saan.
47. Religious tolerance. Hindi malaking usapin kung anong relihiyon ang iyong sinusunod. Ginagalang ang mga paniniwala ng bawat isa. May holiday para sa mga Muslim, Kristyano, Buddhist at Hindu.
48. Nangungunang airline sa buong mundo sa 2023 at isa sa mga pinakamagandang paliparan.
49. Maayos na pampublikong transportasyon. Maraming train at bus na nakakarating saan mang sulok ng bansa. Mayroong naglalakihang istasyon ng train at bus, maayos na kalsada at batas trapiko. Patuloy din ang pag-upgrade sa sektor na ito sa tulong ng LTA. (Gagawa ako ng hiwalay na artikulo patungkol sa transportasyon sa Singapore).
50. Marami ring pribadong transportasyon gaya ng taxis at mga maasahang serbisyo na naghahatid ng mga kalakal gaya ng lalamove, Grab at iba pa.
51. Runners and bikers-friendly. Walang mga lubak sa daan.
52. Night activities. May mga bars at clubs na bukas kahit hating gabi. Ligtas kang makakauwi kahit anong oras galing sa mga inuman.
53. Access sa online shopping at delivery. Imbis na pumunta sa mga mall, maaaring gumamit ng mga social apps kung saan makakabili ka ng mga grocery at anumang item na mabibili sa murang halaga.
54. Carousell. Online app store kung saan makakabili ka ng mga murang second-hand na bagay at minsan ay makakakita ka rin ng mga bagay na pinamimigay lang.
55. Walang mga natural disasters gaya ng bagyo, lindol or volcanic eruption.
56. Heograpiya. Napaka-convenient na lugar dahil ilang oras lang ang layo mula sa Pilipinas. Maaring ka ring makapaglakbay sa mga kalapit bansa sa Asya over the weekend para makapag relax at maglibang.
57. Mabilis, ligtas at maasahang cashless payment gaya ng Paylah at iba pang bank cards.
58. Singapore Day celebration. Holiday, yay! (gusto ko lang itong isama).
Anong masasabi ni Juan?
Ang listahan na ito ay ilan na rin sa mga dahilan kung bakit mahirap iwanan ang lugar na ito. Siguro ay masyado lang akong na-spoiled sa kung ano mang bagay na di nararanasan o wala sa bayan ni Juan. O siguro ay nagbago nalang rin ang lifestyle ni Juan dahil sa kinakailangan nitong makisabay ayon sa nararapat. Naisip ko lang, makakaya nga ba ni Juan mabuhay ng wala sa Singapore, na manirahan ulit sa kanyang bayan o kung saan man? Oo ang sagot, ngunit siguradong maninibago si Juan dahil sa convenience na nararanasan nya ngayon. Ang hirap naman iwanan ang bansang ito, dapat siguro ay palitan ko rin ang titulo ng artikulong ito at gawing 58 na bagay kung bakit mahirap iwanan ang Singapore.
Hindi ako kaisa sa mga taong sine-celebrate ang Singapore Day dahil narin siguro’y hindi ako lokal at walang bearing ang nasyonalismo sa akin. Ngunit lubos parin naman akong nagpapasalamat dahil sa mga oportunidad na ibinigay nito sa akin na maaaring hindi ko mararanasan o naranasan sa ibang lugar. Kaya Singpore, para sayo ang artikulong ito. Maligayang kaarawan! Tunay ngang bahagi ka na ng buhay ni Juan at masasabing pangalawang tahanan ng marami. Salamat!
Excellent work
Nice article
Well said
Nice article! Makes me want to go to Singapore!!!